Binigyang-diin ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) na walang katotohanan ang ulat hinggil sa isang van na nangunguha umano ng mga bata sa bayan ng Tuao, Cagayan.

Ayon sa PNP Cagayan, matapos na matanggap nila ang impormasyon ukol dito, agad silang nagsagawa ng pagsusuri at beripikasyon, kung saan lumabas na wala itong katotohanan at walang kongkretong ebidensiya na magpapatunay sa nasabing insidente.

Dahil dito, hinihikayat ng PNP Cagayan ang publiko na makipag-ugnayan sa PNP Tuao o iba pang himpilan ng pulisya para sa anomang impormasyon at mga alalahanin upang agad itong matugunan ng mga Cagayano Cops.

Tugon ito ng PNP Cagayan sa mga ulat na may van na nangunguha umano ng mga bata hindi lamang sa bayan ng Tuao kundi sa iba pang bahagi ng lalawigan.

Kaugnay nito, tiniyak ng PNP Cagayan sa pamumuno ni PCOL Mardito Anguluan ang police visibility at pagpapatupad ng mga kaukulang hakbang para sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayaan sa buong probinsiya.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Anguluan, mananatili ang Cagayano Cops na tagapagbigay ng tamang impormasyon at katuwang ng mga mamamayan sa pangangalaga sa seguridad at kapayapaan.

Nanawagan din siya ng pagkakaisa para mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa ating lalawigan.