
Agad na naglagak ng piyansa si Cagayan Vice Governor Manuel Mamba kaugnay ng kasong graft na isinampa laban sa kanya sa Regional Trial Court Branch 17 sa Ilocos Norte.
Ito ay matapos maglabas ng warrant of arrest si Judge Felix Salvador laban kay Mamba na may itinakdang piyansa na nagkakahalaga ng P30,000.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong isinampa ng JLL Construction Company na umano’y pagmamay-ari ng anak ni 3rd District Congressman Jojo Lara.
Kaugnay ito sa hindi umano pagbabayad ng kapitolyo sa isang road concreting project na isinagawa noong unang termino ni Mamba bilang gobernador.
Nabatid na umaabot sa humigit-kumulang P20 milyon hanggang P30 milyon ang halaga ng tseke o bayad na hindi umano naibigay sa naturang kumpanya.
Gayunman, ipinaliwanag ni Vice Governor Mamba na nagkaroon ng isyu kaugnay sa kalidad ng proyekto kaya’t napagdesisyunan ng kanyang administrasyon na ipahold muna ang naturang bayad.
Inihayag niya na bahagi ng kanilang polisiya ang pagpapatawag sa mga kontratista na may kinahaharap na reklamo upang ito ay maresolba.
Subalit, hindi umano dumalo ang kinatawan ng construction firm sa mga itinakdang pag-uusap na naging dahilan ng pagkaantala ng pagproseso at paglalabas ng bayad.
Sa kabila nito, pinabulaanan ng kampo ni Mamba ang mga paratang at sinabing handa silang harapin ang kaso sa korte.










