
Iniugnay sa umano’y planong pagtakas ng isang Korean inmate sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro ang viral video ng isang lalaking isinakay sa malaking drone noong Marso.
Iniulat ng isang South Korean television network na maaaring test flight ang insidente para sa planong pagtakas ni Korean inmate **Park Wang-yeol.
Itinuro rin sa ulat ang Filipino na si “NJ” bilang umano’y kasabwat, pero itinanggi niya ang anumang pagkakasangkot.
Ayon kay NJ, nagkataon lamang na kasama niya ang mga kaibigan sa isang port sa Sablayan nang makita nila ang Korean na nagpapalipad ng malaking drone. Sinabi niyang inalok siyang sumakay sa drone na umano’y kayang magbuhat ng hanggang 75 kilo.
Samantala, sinabi ng Sablayan Municipal Police na nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa posibleng pagtulong kay Park na makatakas at nakikipag-ugnayan na sa Bureau of Corrections para matukoy ang mga posibleng sangkot.
Si Park ay dati nang dalawang beses nakatakas sa detention at muling nahuli noong 2020. Noong 2022, nasentensiyahan siya ng 60 taong pagkakakulong.
Ayon naman sa BuCor, mahirap isagawa ang drone escape dahil magiging maingay ang drone na kayang magbuhat ng tao, bukod pa sa itinuturing na no-fly zone ang prison facility na may 24-oras na bantayan.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang umano’y escape plot at ang pagkakakilanlan ng mga posibleng sangkot.









