Maaari umanong i-subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) ang content creator na si Jack Argota kaugnay ng imbestigasyon sa pekeng medical report tungkol kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay NBI Acting Director Angelito Magno, sinimulan na ng ahensiya ang imbestigasyon sa mga alegasyon tungkol sa kalusugan ng Pangulo, na kamakailan ay naospital dahil sa diverticulitis ngunit ayon sa Malacañang ay maayos na ang kalagayan.

Nag-post sa social media ang ilang netizens, kabilang si Argota, ng umano’y report mula sa St. Luke’s Medical Center tungkol sa kalagayan ng Pangulo, ngunit ito ay itinanggi ng ospital.

Ayon kay Magno, ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa kalusugan ng Pangulo ay isang usaping pambansa at may kinalaman sa pambansang seguridad.

Sinabi rin niya na idodokumento ng NBI ang lahat ng post na may pekeng impormasyon, at posibleng magsampa ng kaso sa hinaharap. Maaari aniyang mahulog ang mga post sa ilalim ng cyber libel.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi na makita sa Facebook page ni Argota ang kanyang post, ngunit iginiit niya na hindi niya ito tinanggal. Ang mismong Facebook umano ang nagtanggal nito.