
Naiwan ng yumaong vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata ang kanyang apat na taong gulang na anak matapos siyang paslangin sa Caloocan City noong Hulyo 17.
Dumalo ang ilang tagasuporta ni Lipata sa kanyang burol upang magbigay-pugay at makiramay sa kanyang pamilya.
Ayon sa mga supporter, ikinagulat nila ang sinapit ng vlogger na inilarawan nilang mabait at matulungin.
Samantala, kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na nakatanggap umano ng mga banta si Lipata bago siya pinagbabaril ng riding-in-tandem suspects sa harap ng kanyang bahay. Nasawi siya sa lugar habang nasugatan naman ang kanyang live-in partner na kasama niya noon.
Tinitingnan ng mga awtoridad ang ilang posibleng motibo sa krimen, kabilang ang umano’y banta sa kanya, ang naging hiwalayan sa dating partner, at ang kanyang trabaho bilang content creator.
Ayon sa PNP, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang dalawang suspek at malaman kung may nag-utos o mastermind sa likod ng pagpatay.









