
Inaresto ng Philippine National Police (PNP) ang vlogger na si Norman Mangusin o kilala bilang Francis Leo Marcos sa isang hotel sa Pasay City, ayon sa National Police Commission (NAPOLCOM) nitong araw ng Martes.
Ayon kay NAPOLCOM vice chairperson at executive officer Rafael Vicente Calinisan, isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region ang warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 294 ng Parañaque.
Hindi pa tukoy kung anong kaso ang kinakaharap ni Mangusin.
Ngunit kung maalala noong Pebrero 17, sinabi ng CIDG na iniimbestigahan nila si Mangusin dahil sa isang viral na larawan kung saan siya ay nakasuot ng blue na ceremonial police uniform kahit na hindi siya opisyal ng pulisya.
Dati nang tinanggi ng vogger ang pag-suot ng uniporme, at iginiit na na-edit lamang ang larawan na kumalat sa internet.
Tinukoy naman ng PNP na posibleng maghain ng kaso laban sa vlogger para sa “usurpation of authority at illegal use of uniforms or insignia,” at suportado naman ito ng NAPOLCOM.










