
Nahuli ng mga awtoridad ang 10 kalalakihan na nang-holdap sa vlogger ng ginto at tatlong kasamahan sa Santa Ana, Maynila noong Miyerkoles.
Batay sa video footage, makikita ang paghinto ng dalawang SUV sa Tajeron Street sa Barangay Santa Ana.
Ilang saglit lang, bumaba mula sa puting SUV ang driver at isang lalaki habang dala-dala ang tila mahabang bagay na nakabalot ng tela.
Hindi pa rin bumabalik ang dalawa matapos ang ilang minuto kaya ngbunsod ito ng traffic sa lugar.
Kalaunan ay dumating ang mga taga-barangay, na nagtaka kung bakit inihambalang lamang sa kalsada ang puting SUV.
Sinabi ng isang barangay na nakita ng isang mag-asawa na sumakay sa itim na SUV ang dalawa, at tila natatakot kaya agad din silang tumawag sa pulisya.
Nang dumating na rin ang napakaraming pulis mula sa Manila Police District at Pasay City Police Station, sinundan umano nila ang puting SUV na tinangay umano ng dalawang armadong lalaki sa Barangay 190, Pasay City.
Nasa SUV noong una ang apat na biktima, kabilang ang 24-anyos na content creator at seller ng ginto.
Humingi ng saklolo sa mga awtoridad ang dalawang nakatakas na biktima, na humantong sa isang dragnet operation ng pulisya.
Sa tulong ng GPS sa sasakyan ng mga biktima, natukoy na nagpaikot-ikot ang SUV hanggang sa makapunta sila sa Santa Ana, Manila.
Nakakuha naman ng tiyempo ang dalawang biktimang nasa SUV, kaya sila nakatakas.
Nakuha ng mga suspek ang nasa P6 milyong halaga ng alahas at pera.
Makaraan lang ang ilang oras, nahanap ng pulisya ang mga suspek sa isang resort sa Barangay Pansol sa Calamba, Laguna.
Nadakip ang 22-anyos na lalaki na driver umano ng itim na SUV kung saan nabawi ang ilang alahas at pera.
Nakuha rin sa kaniya ang isang granada, ngunit wala na noong mga sandaling iyon ang ibang mga kasabwat umano na mga lalaki.
Mapanonood sa CCTV ng resort ang mga kasamahan ng lalaking driver na kumakain at pinagpapartehan ang kanilang nakuha mula sa mga biktima.
Ayon sa pulisya, tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng anim sa 10 suspek.
Dalawa sa kanila ay SK chairman at kagawad pa ng isang barangay sa Pasay.
Lumalabas sa imbestigasyon na kakilala ng mga biktima ang ilan sa mga suspek.










