
Mariing dinepensahan ni Vice President Sara Duterte ang kanyang academic record matapos muling mabuksan ang mga alegasyon laban sa kanya sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaints.
Tinawag niyang “mini trial” ang naturang pagdinig at itinanggi ang mga pahayag ni Ramil Madriaga na umano’y kinailangan niya ng tulong para matapos ang law school.
Giit ng Bise Presidente, natapos niya ang kanyang pag-aaral sa sariling kakayahan at hindi kailanman humingi ng espesyal na pabor sa mga propesor.
Ayon pa sa kanya, nagtapos siya noong Mayo 2005 at agad na kumuha ng Bar Exams noong Setyembre ng parehong taon, kung saan siya ay nakapasa sa unang subok.
Ipinunto rin niya na nakakuha siya ng general weighted average na 80, na lampas sa passing mark.
Binatikos din ni Duterte ang mga nag-aakusa sa kanya, kabilang si Madriaga na tinawag niyang “bar flunker at kidnapping suspect,” at kinuwestiyon ang kredibilidad nito.
Ayon sa kanya, ang mga pagdinig sa Kamara ay ginagamit umano para sa political maneuvering at hindi para sa tunay na pananagutan ng gobyerno.
Samantala, sa parehong pagdinig, nagsumite si Madriaga ng karagdagang affidavit kung saan inamin umano niya ang pagiging “dummy” sa ilang transaksyon sa bangko at paghawak ng milyun-milyong pisong dumaan sa kanyang account.
Inakusahan din niya si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng umano’y plano laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sakaling hindi bumaba sa pwesto ang huli pagsapit ng 2025.










