Posibleng maharap sa kasong plunder si Vice President Sara Duterte at iba pang dating opisyal ng Department of Education, maliban lamang kung maipaliwanag nila kung saan ginamit at napunta ang P112.5 million na confidential funds na inilaan sa ahensiya noong panahon na kalihim pa ng ahensiya si Duterte.
Pinaalalahanan ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. si Duterte na hindi siya ligtas sa mga kaso at hinimok niya ito na ipaliwanag ang kuwestionableng disbursement ng confidential funds ng DepEd.
Ayon kay Gonzales, maaaring irekomenda ng house panel on good government and public accountability na pinamumunuan ni Rep. Joel Chua ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay Duterte at iba pang opisyal ng DepEd na sangkot sa umano’y hindi tamang paggamit ng confidential funds ng ahensiya.
Ang nasabing pondo na kinukuwestion ay bahagi ng P150 million na inilaan sa Deped noong 2023 na para sa mga programa na may kaugnayan sa crime and abuse prevention sa mga paaralan, anti-extremism efforts at counterinsurgency.