Kinondena ni Vice President Sara Duterte ang isinampang reklamong plunder at graft laban sa kanya at sa 15 iba pa, na tinawag niyang isa na namang “fishing expedition” para pagtakpan umano ang katiwalian at hindi tamang paggamit ng public funds.

Dahil dito, nanawagan si Duterte na maging mapanuri at huwag magpapadala sa mga paninira sa kanya.

Sinabi niya na ito ay hindi tungkol sa paghahanap ng katotohanan, sa halip ay pagtatakip ng nakawan umano sa kaban ng bayan na hanggang ngayon ay wala pa umanong napapanagot.

Bukod sa plunder at graft, kasama rin sa reklamo ang umano’y malversation at iba pang katulad na reklamo laban kay Duterte kaugnay sa hindi umano tamang paggamit niya ng kanyang confidential funds mula 2022 at 2023.

Ayon sa mga reklamo, sa kabila ng mahaba at ilang beses na congressional inquiries, tumanggi si Duterte na ipaliwanag kung saan ginamit ang malaking bahagi ng public funds.

-- ADVERTISEMENT --