
Ipinahayag ni Vice President Sara Duterte ang kanyang pagdududa sa resulta ng katatapos na midterm elections sa kanyang talumpati nitong Huwebes sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Ayon kay Duterte, nararapat lamang na nanalo sa pagkasenador ang mga kandidato mula sa kanilang partido gaya nina Jayvee Villanueva Hinlo, Jr., Jimmy Bondoc, at Richard Mata.
Ibinunyag rin ng Pangalawang Pangulo na nakipagpulong siya sa mga eksperto sa information technology upang pag-usapan ang naging proseso ng halalan.
Ayon sa kanya, duda rin ang mga IT expert sa pagiging totoo ng mga numerong lumabas sa bilangan. .
Binanggit rin ni Duterte na base sa kanyang karanasan noong 2022 elections, posibleng nagkaroon din ng anomalya sa kasalukuyang halalan.
Aniya, sa kanyang karanasan noong 2022, una niyang nalaman na baka manalo ito bilang VP dahil unang lumabas ang absentee voting at OFW vote, kung saan niya nakita ang kanyang panalo.
Aniya pa, ganito rin umano ang nangyari sa kanilang mga kandidato sa Senado.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang Commission on Elections kaugnay sa mga alegasyon ni VP Sara.