
Itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang alegasyon ni dismissed police officer Rodulfo Gracioso Jr. na naghatid ito ng pera sa kanya.
Ayon kay Duterte, pera at sama ng loob sa pamilya Velasco ang motibo umano ni Gracioso sa mga ibinunyag nito.
Nauna nang sinabi ni Gracioso sa kaniyang affidavit na naghatid siya umano ng cash kina Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City 1st District Representative Paolo Duterte, sa utos umano ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Ipinakita naman ni Duterte ang screenshot ng kaniyang pag-uusap nila ni Velasco kung saan ipinadala niya ang affidavit ni Gracioso at tinanong kung sino ito.
Sinabi ni Duterte na ipinaliwanag ni Velasco na dati niyang security aide si Gracioso at nagkaroon umano sila ng hindi pagkakaunawaan kaugnay ng pera.
Iginiit ng Vice President na hindi siya dapat idamay sa personal na alitan nina Velasco at Gracioso at ginagamit lamang umano ang kaniyang pangalan sa mga alegasyon laban sa kanya.









