
Itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang pagmamay-ari sa mga property na iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) at iniuugnay sa kaniya at sa kaniyang pamilya.
Tinawag ni Duterte na “panlilinlang sa publiko” ang hakbang ng NBI, at iginiit na hindi kaniya ang lupang ipinakita sa larawan na sinasabing nakatala sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Kinuwestiyon din ng bise presidente ang ebidensiyang inilabas ng ahensiya, na aniya’y kahalintulad ng mga kuwestiyonableng ebidensiya sa affidavit ng dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr.
Iniimbestigahan ng NBI ang mga property kasunod ng mga alegasyon ni Gracioso na naghatid siya ng pera kina Duterte, Davao City Representative Paolo Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa utos umano ni dating House Speaker Lord Allan Velasco. Itinanggi ng mga Duterte ang mga paratang.
Samantala, hinamon din ni Paolo Duterte ang NBI na maglabas ng mga dokumento at iba pang mapatutunayang ebidensiya na mag-uugnay sa kaniya sa isang property sa Samal, at iginiit na hindi sapat ang mga larawan upang patunayan ang pagmamay-ari.










