Sinabi ni Vice President Sara Duterte na inalok umano ng pera at tirahan sa Forbes Park ang kanyang dating aide na si Jefry Tupas kapalit ng pagtestigo kaugnay sa mga alegasyon ni dating police patrolman Rodulfo Gracioso Jr.

Ayon kay Duterte, mismong si Tupas ang nagsabi sa kanya na pinangakuan umano ang kanyang pamilya ng pera at bahay matapos siyang lapitan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation o NBI noong Setyembre 29 sa North Cotabato.

Nadawit si Tupas matapos sabihin ni Gracioso sa kanyang affidavit na tumanggap umano ito ng cash para kay Duterte.

Mariin namang itinanggi ni Tupas ang alegasyon at nagsumite na ng affidavit sa NBI.

Samantala, sinabi ni Duterte na maaaring isinama ni Gracioso si Tupas sa kanyang mga alegasyon dahil nawalan ito ng trabaho at maaari umanong madaling maimpluwensiyahan.

-- ADVERTISEMENT --

Itinanggi ni Duterte ang lahat ng alegasyon ni Gracioso tungkol sa umano’y paghahatid ng maleta ng pera sa kanya.