Hindi na nagulat o nasorpresa si Vice President Sara Duterte sa kriminal case na inirekomendang ikaso ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi nito na inaasahan na niya ang nasabing mga kaso.
Ang nasabing rekomendasyon ay nagbunsod matapos ang hindi pagdalo ni Duterte sa NBI noong nakaraang taon.
Nagpatawag kasi ng imbestigasyon ang NBI ukol sa pagbabanta sa buhay na ginawa ni Duterte kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Una ng nagsampa ng kaso ang Philippine Naitonal Police ng direct assault, disobedience at grave coercion laban sa ikalawang pangulo.
Samanbtala, nilinaw ni Senate President Chiz Escudero na walang epekto sa napipintong impeachment proceedings ni Duterte ang isinampang kasong kriminal ng National NBI sa Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Escudero, walang bearing at walang kinalaman ang isinampang kaso ng NBI sa tatakbuhin ng paglilitis sa mga articles of impeachment laban kay Duterte.
Sinabi pa ng Senate president na hindi kukunin ng Senado ang kasong isinampa ng NBI at maaari itong mauna pa sa impeachment o kaya naman ay isabay ito sa gagawing trial ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Hindi rin aniya kusang hihingiin ng impeachment court ang mga testimonya at ebidensyang nakalap ng NBI tulad sa pangkaraniwang imbestigasyon ng Senado.
Trabaho na aniya ito ng prosecution at defense sa impeachment trial at sila na ang bahalang magdesisyon kung gagamiting ebidensya sa paglilitis ang mga hawak ng NBI.