Inatasan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Presidential Security Command (PSC) na gumawa ng agaran at tamang aksiyon sa banta ni Vice President Sara Duterte sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos, at sinabing sineseryoso nila ang mga pahayag ng vice president.
Sinabi ito ng Presidential Communications Office (PCO) matapos na ihayag ni Duterte sa isang Zoom kaninang madaling araw na may inupahan siya na assassin para patayin ang First Couple at House Speaker Martin Romnualdez kung magtatagumpay ang plano umano na siya ay patayin.
Ayon sa PCO, inatasan na ni Bersamin ang PSC, dating Presidential Security Group (PSG), na tugunan ang nasabing usapin.
Sinabi ni Bersamin na ang mga pahayag ni Duterte ay isang active threat.
Sa online press conference kagabi, sinabi ni Duterte na gusto umano siyang ipapatay ni Romualdez.
Sinabi ni Duterte na ito ay dahil nakilala niya si Romualdez sa maikling panahon na sila ay nagkasama noong panahon ng pangangampanya.
Ayon sa kanya, alam umano niya ang character ng isang tao.