Nagpakita si Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng virtual sa Senate panel on forein affairs kanina, kung saan binatikos niya ang umano’y “warrantless arrest” sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagdinig tungkol sa pag-aresto kay Duterte, sinabi ni VP Sara na pilit na kinuha ang kanyang ama ng Philippine National Police pagdating nito sa Manila mula sa Hong Kong noong March 11.
Ayon sa kanya, ginawa ito dahil sa isang warrant na inilabas umano ng International Criminal Court (ICC).
Binigyang-diin ni VP Sara na ito ay illegal arrest dahil walang valid warrant na inilabas ng korte ng Pilipinas, walang due process at walang legal basis sa ilalim ng ating mga batas.
Ipinunto niya na kung walang valid warrant mula sa korte sa bansa, ang nangyari sa kanyang ama ay maituturing na warrantless arrest.
Idinagdag pa niya na maging sa ICC standards, dapat na dinala ang kanyang ama sa isang judge sa korte sa bansa upang tukuyin ang validity ng pag-aresto bago siya ipinasakamay sa dayuhang korte.
Ayon sa kanya, nawalan na ang mamamayan ng dating pangulo, at nananalangin siya na hindi susunod na mawawala sa atin ang ating bansa.