
Tinukoy ng Commission on Audit supervising auditor Xylene Mae Del Campo si Vice President Sara Duterte bilang isa sa mga may pananagutan sa ₱73.287 milyong disallowance sa confidential funds ng Office of the Vice President o OVP.
Ayon kay Del Campo, bilang Head of Agency, itinuturing na accountable officer si Vice President Duterte dahil siya ang nag-apruba sa mga transaksyon at paggamit ng cash advances mula sa confidential funds noong Disyembre 2022.
Kabilang din sa tinukoy na may personal na pananagutan sina OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta, na nag-disburse ng mga cash advance, at OVP Chief Accountant Julieta Villadelrey, na nagsertipika sa mga supporting documents.
Ayon sa COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office, kabilang sa mga dahilan ng disallowance ang kawalan ng official receipts at sales invoices, paggamit ng ₱3.5 milyon sa mga mesa, upuan, computer at printer na walang sapat na patunay na para sa confidential operations, at ₱69.7 milyong reward payments na hindi napatunayan dahil sa kakulangan ng dokumentasyon.
Nabunyag din sa paglilitis na ginamit umano ang confidential funds sa mga aktibidad tulad ng Christmas party at tree-planting mula Disyembre 13 hanggang 31, 2022, bago pa man nailabas o natanggap ang cash advance noong Disyembre 21.
Hindi naman inaprubahan ng COA proper ang hiling ng OVP na i-review ang disallowance, kaya obligado umano ang mga nasabing opisyal na ibalik sa kaban ng bayan ang halagang idineklarang disallowed.










