Hindi na umano kailangan pang humarap ni VP Sara Duterte sa Senate Impeachment Court.

Ayon kay dating Ateneo School of Government (ASOG) dean, Atty. Tony La Viña, dapat ay iwasan ng pangalawang pangulo na humarap sa trial dahil tiyak na magiging mapanganib ito sa kaniyang defense team.

Posible kasi aniyang hindi maiiwasan ang anumang emotional reaction o mahihirapang ipaliwanag o ma-counter ang anumang ebidensiya.

Kung mangyayari ito aniya, magiging pabigat lamang sa kaniyang defense team.

Binalikan ng batikang abogado ang nangyari noong nililitis si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona kung saan humarap ang dating punong mahistrado sa hukuman.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay La Viña, ito ang pinakamalaking pagkakamali noon ng dating mahistrado, dahil sa kabila ng babala ng kaniyang mga abogado at adviser ay pinili pa rin niyang humarap sa naturang paglilitis.

Kung babalikan kasi ang pagharap noon ni Corona, hindi niya naiwasang umiyak at tuluyang nag-walk out hanggang sa dumanas ng medical emergency bago pa makalabas sa Senate building.

Tanong ng batikang abogado, kung si Corona na isang chief justice ay nawalan ng ‘demeanor’ habang humaharap sa korte, paano pa kaya kay VP Sara?

Anumang breakdown sa impeachment court aniya ay tiyak na magkakaroon ng impact sa kaniyang imahe.