
Tinawag ni Vice President Sara Duterte na “walang utang na loob” sa taumbayan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagharap nito sa kanyang mga tagasuporta sa Quezon City ngayong Biyernes.
“Wala siyang utang na loob sa taumbayan.,” ayon kay VP Sara.
Sinabi rin ng Bise Presidente na hindi niya magawang manahimik habang nakikita umano niyang nahihirapan ang mga Pilipino, partikular ang mga apektado ng pagbaha.
“Kaya ako nandito kasi nahihiya ako sa inyo. ’Di ko magawang tumahimik lamang dahil nakikita ko kayong lumalangoy sa baha,” ani VP Sara, sabay banat kay Marcos na “wala siyang hiya.”
Iginiit din ni VP Sara na nakikita niya ang umano’y “pattern” ng political harassment ng administrasyon laban sa kanya, at sinabing mula pa noong 2023 ay nakakaramdam na siya ng banta, harassment at kawalan ng seguridad.
Nagtungo si VP Sara sa Quezon City Regional Trial Court para sana sa kanyang arraignment sa tatlong counts ng grave threats, ngunit ipinagpaliban ang pagbasa ng sakdal dahil sa mga nakabinbing mosyon ng kanyang kampo.
Samantala, binalikan din ni VP Sara si Interior Secretary Jonvic Remulla sa naunang pahayag nitong nais umano ng Bise Presidente ng “high drama” nang ipalabas ang arrest warrant laban sa kanya.
“Siya ’yung may gusto ng drama. Ang totoong drama, kung makikita ninyo, ay ’yung pag-aresto kuno kay Martin Romualdez,” ayon kay VP Sara.
Bumuwelta naman si Remulla at sinabing ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho at nagsasaad ng facts, sabay sabing mas mabuting ituon ni VP Sara ang kanyang enerhiya sa impeachment at sa “real-world problems.










