
Nasamsam ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) ang mga kahon-kahong hindi rehistradong glutathione drip at injectables na tinatayang nagkakahalaga ng ₱5 milyon sa isang bahay sa Quezon City.
Ayon sa NBI, ilang linggo nilang isinailalim sa surveillance ang lugar bago ikinasa ang operasyon, na nag-ugat sa isang reklamo at pakikipag-ugnayan sa Food and Drug Administration (FDA).
Posibleng peke rin ang ilan sa mga nasabat na produkto. May mga boteng may laman na at mga sticker na idinidikit lamang umano sa loob ng bahay.
Nagbabala ang NBI na delikadong gamitin ang mga ito dahil hindi matiyak ang tunay na sangkap at kung sino ang gumawa ng mga produkto. Wala ring kasiguruhan sa pananagutan kung may masamang epekto sa gagamit.
Pinayuhan ng ahensiya ang publiko na tiyaking rehistrado sa FDA ang mga gamot at injectable products na binibili at huwag magpapadala sa murang presyo.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang may-ari ng mga nasabat na produkto na nahaharap sa reklamong paglabag sa FDA law.










