Hindi dadalo bukas si Vice President Sara Duterte sa plenary proceedings ng House of Representatives kaugnay ng kaniyang impeachment case.

Ayon kay atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team ng bise presidente, babantayan lamang nila ang magiging takbo ng proceedings mula sa malayo.

Hindi rin sinabi ni Poa kung nasaan si Duterte habang isinasagawa ang plenary session at hindi rin niya kinumpirma kung may miyembro ng defense team na dadalo sa Kamara.

Inaasahang tatalakayin ng House of Representatives ang committee report na inaprubahan ng House Committee on Justice na nagsasabing may probable cause para ma-impeach ang bise presidente.

Noong Mayo 4, inaprubahan ng komite ang articles of impeachment na magbibigay-daan para sa plenary vote ng Kamara.

-- ADVERTISEMENT --

Nag-ugat ang impeachment proceedings sa mga reklamong inihain laban kay Duterte ngayong taon kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, katiwalian, paglabag sa Konstitusyon, at betrayal of public trust.

Sa mga nakaraang pagdinig, humarap din ang ilang opisyal mula sa Commission on Audit, Anti-Money Laundering Council, at National Bureau of Investigation.

Nauna nang itinanggi ng bise presidente ang mga alegasyon at iginiit ng kaniyang kampo na may halong pulitika ang impeachment proceedings laban sa kaniya.

Sinabi rin ng kampo ng bise presidente na handa silang sagutin ang mga alegasyon sa tamang forum.