
Hindi umano idineklara ni Vice President Sara Duterte ang kanyang mga stock shares sa ilang negosyong siya at ang kanyang asawang si Manases Carpio ay may pagmamay-ari o interes, ayon sa isang opisyal ng Office of the Ombudsman.
Sa ika-25 araw ng impeachment trial, tumestigo si Karen Batu ng Ombudsman Central Records Division bilang saksi ng prosecution para sa Article II na tumatalakay sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at kabiguang mag-divest ng business interests.
Ayon kay Batu, walang idineklarang shares of stock si Duterte sa kanyang 2007 SALN at maging sa 2009. Para naman sa mga SALN mula 2010 hanggang 2012, may mga business interests at financial connections na nakalista ngunit wala umanong nakasaad na halaga ng kanyang shares of stock.
Sinabi rin ni Batu na batay sa mga SALN mula 2016 hanggang 2025, wala ring nakalagay na shares of stock ni Duterte sa mga negosyong kanyang idineklara.
Sa pagdinig, iginiit ng private prosecutor na si James Alih na sa ilalim ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, kailangang isama sa SALN ang mga asset gaya ng stocks, bonds, cash at iba pang investments.
Nang tanungin ni Senator-judge Sherwin Gatchalian kung posibleng ma-undervalue ang net worth ni Duterte dahil hindi nakasaad ang halaga ng kanyang stock shares, sumagot si Alih na “possible.”









