Patay ang isang vulcanizer matapos barilin ng riding-in-tandem sa harapan ng kanyang bahay nitong alas 5:00 ng umaga ng Sabado sa Brgy Roma Norte, Enrile, Cagayan.

Dead-on-arrival sa pagamutan ang biktimang nakilalang si Reynaldo Buenavente, 53-anyos, habang hindi pa nakilala ang dalawang suspek na sakay ng itim na motorsiklo.

Ayon kay PMSGT Jaime Lallaban, imbestigador ng PNP-Enrile, abala umanong naglilinis sa harapan ng kanyang bahay na malapit sa highway ang biktima nang biglang sumulpot ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril siya sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan.

Narekober sa Crime Scene ang apat na basyo at isang slug ng bala ng .45 calibre pistol.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso upang mabatid ang motibo at pagkakakilanlan nang agarang madakip ang mga suspek.

-- ADVERTISEMENT --