TUGUEGARAO CITY-Nilinaw ni Rogie Sending, head ng Provincial Information Office ng Provincial Government of Cagayan na walang black sand mining sa Aparri,Cagayan.
Sinabi ni Sending na ang ginagawa ngayon ng mga barko sa Brngy.Bisago ,Aparri ay sinusukat ang bukana ng ilog Cagayan na unang hakbang umano para sa gagawing dredging.
Tiniyak ni Sending na walang separator ang mga barko sa lugar na maghihiwalay ng black sand sa mga mahuhukay na mga buhangin.
Sinabi pa ni Sending na ang layunin ng dredging ay para muling buksan ang port of Aparri para sa pagpasok ng mas maraming investors sa Cagayan.
Bukod dito, sinabi ni Sending na 5 percent lang umano ang magnetite sand sa nasabing lugar.
Idinagdag pa ni Sending na may binuong oversight committee si Governor Manuel Mamba upang matiyak na masusunod ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at Pacific Offshore Exploration Inc.
Sinabi pa ni Sending na sa kanyang pagtatanong ukol sa kasunduan ay tiniyak ng kompanya na walang silang itatambak na mga buhangin.
Ayon sa kanya, libre ang gagawing dredging ng kumpanya kapalit ng pagdala ng kumpanya ng mga buhangin sa Hongkong para gamitin umano para sa reclamation ng isang paliparan doon.