Iginiit ni Army Colonel Manaros Boransing II na walang confidential funds mula sa Department of Education (DepEd) na na-download sa kanilang unit para sa walong Youth Leadership Seminars sa ilang lalawigan sa Mindanao noong 2023, sa panahon ni Vice President Sara Duterte bilang Education chief.

Sa kanyang testimonya sa ika-20 araw ng impeachment trial, sinabi ni Boransing na nakipagtulungan ang militar sa DepEd sa pagsasagawa ng mga seminar, ngunit wala siyang alam kung saan nanggaling ang pondo ng ahensya para sa mga gastusin.

Si Boransing ay kabilang sa mga opisyal ng militar na naglabas ng certifications noong Enero 2024, na hiniling noon ni DepEd Undersecretary Michael Poa. Ginamit ang mga certification bilang documentary evidence kaugnay ng P15.54 milyong confidential fund ng DepEd para sa rewards sa mga informant.

Gayunman, sinabi ni Boransing na hindi niya alam na gagamitin ang kanyang certification upang bigyang-katwiran ang naturang confidential fund spending at hindi rin niya nabasa ang mga dokumento ng Commission on Audit.

-- ADVERTISEMENT --