Nilinaw ng pamahalaan ng Czech Republic na wala itong isinasagawang extradition proceedings laban sa dating Ako Bicol party-list congressman na si Zaldy Co.

Sa pahayag ng Czech Ministry of Justice matapos ang pulong nila sa delegasyon ng Pilipinas, sinabi ni Czech Justice Minister Jeronym Tejc na wala silang hawak na pormal na kaso ng extradition laban sa isang Pilipino.

Pinangunahan naman ni acting Department of Justice Secretary Fredderick Vida ang panig ng Pilipinas sa naturang meeting sa Prague noong Abril 27. Napag-usapan din dito ang mas malapit na ugnayan ng dalawang bansa, kabilang ang posibleng kasunduan sa police cooperation.

Samantala, tuloy ang hakbang ng pamahalaan ng Pilipinas para mapauwi si Co at harapin ang mga kasong graft at malversation.

Ayon kay Philippine Center on Transnational Crime Executive Director Major General Romeo Prestoza, humihingi na sila ng red notice mula sa Interpol para matukoy at maaresto si Co.

-- ADVERTISEMENT --

Una nang sinabi ni Vida na wala na si Co sa kustodiya ng Czech authorities at pinaniniwalaang nasa loob na ng Schengen Area. Sinabi rin ng Malacañang na umano’y naghahanap ito ng political asylum sa France.