Inihayag ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na walang isasagawang beripikasyon sa sinoman na gustong pumunta sa “Walang Gutom” Kitchen.

Ayon kay Gatchalian, lahat ay welcome sa nasabing kusina dahil wala namang may gusto ng kagutuman at kailangan lahat ay natutulungan.

Gayunman, sinabi ni Gatchalian na aalamin lamang ang ilang impormasyon sa mga nagnanais na makakain ng libre para sa monitoring purposes.

Ang Walang Gutom Kitchen sa Pasay City ang unang public at private food bank collaboration/soup kitchen sa bansa.

Layunin nito na tugunan ang involuntary hunger at mabawasan ang nasasayang mga pagkain sa pamamagitan ng mga donasyon na sobrang pagkain mula sa mga hotels, restaurants, at organisasyon na ginagawang hot meals para sa mga nakakaranas ng gutom.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Gatchalian na buhat nang ilunsad ito noong December 16, 2024, mahigit 10, 000 na ang nakakain sa nasabing kusina na nagluluto ng malulusog na pagkain.

Kaugnay nito, sinabi ni Gatchalian na plano nilang magbukas ng mas maraming soup kitchens sa iba pang bahagi ng bansa.