
Sinabi ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito na walang ilalaan na pondo sa 2027 para sa mga bagong flood control projects, at sa halip ay tututukan ang pagkumpleto sa mga hindi pa natatapos na proyekto at pagtugon sa mga kakulangan sa flood mitigation.
Ayon kay Ejercito, kailangan pa ring ipagpatuloy ang pagpopondo sa flood control dahil sa matinding pagbaha na naranasan kamakailan dahil sa Habagat. Kabilang sa bibigyang-prayoridad ang mga proyekto sa mga lugar na kabilang sa 10 pinaka-bahaing lalawigan sa bansa.
Dapat aniya ay nakahanay sa isang master plan at may feasibility study ang mga proyektong ipagpapatuloy. Maaari rin itong ituloy kung may pag-apruba mula sa regional o provincial development council na nagpapatunay na kinakailangan ang proyekto.
Sa ilalim ng panukalang 2027 national budget, P107.4 bilyon ang nakalaan sa Department of Public Works and Highways para sa pagpapanatili, pagkukumpuni at pagpapahusay ng mga umiiral na flood control infrastructure.










