Muling pinakilos ng Department of Trade and Industry o DTI Region 2 ang “Walang Sayang” project para sa mga napakaraming ani ng mangga dito sa lalawigan ng Cagayan.
Sinabi ni Maricris Galinggana, senior specialist ng DTI Region 2 na inisiyatiba ito ng tanggapan upang matulungan ang mga magsasaka at mango growers sa Cagayan na maibenta ito sa mga institutionalized at direct buyers.
Ayon kay Galinggana na may malaking suplus ngayon ng mangga sa Cagayan dahil sa ngayon ang peak season at sabay-sabay ang ani kung saan may mga hindi naibebenta at nasisira.
Sinabi niya na may lumalapit na mga mango growers association sa kanila at nagpapatulong para sa marketing ng mga mangga kung saan isa sa kanilang natulungan ay ang isang asosasyon sa Rizal, Cagayan na hindi binili ng kanilang mga buyers sa Manila, Bulacan, at Ilocos ang mga ito dahil sa dagsaan umano ang supply.
Sinabi ni Galinggana na ang mango basket sa Cagayan ay sa bayan ng Sto. Niño, at marami ring tanim na mangga sa mga bayan ng Tuao, Piat, at downstream municipalities.
Samantala, sinabi ng isang mango grower mula sa Sto. Niño na si Edyardo Oarde na nakakaani sila ng nasa 30 tons ng mangga sa isang araw.
Dahil dito, nagkanya-kanya na ang mga miyembro ng Sto. Niño Mango Movers Association sa paghahanap ng mga buyers.
Sinabi niya na dinala niya ang kanyang mga mangga sa Laoag at ibinenta sa P12 kada kilo.
Ayon sa kanya, marami na ring mangga ang nasira sa kanilang bayan dahil sa napakaraming ani at ang nais ng kanilang mga buyers ay maibiyahe ang mga ito bago ito mahinog.