Hindi naglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema upang pigilan ang pagtalakay ng Kamara sa impeachment complaints laban kay Bise Presidente Sara Duterte. Gayunman, inatasan ng korte ang House of Representatives at ang House justice committee na magsumite ng komento sa mga petisyong inihain laban sa proseso sa loob ng 10 araw.

Pinagsama-sama ng Korte Suprema ang mga petisyong inihain ni Duterte at ng ilang abogado na kumukuwestiyon sa legalidad ng impeachment proceedings.

Sa kabila nito, sinabi ng Kamara na ipagpapatuloy nito ang pagdinig dahil walang legal na hadlang, alinsunod sa kanilang mandato sa ilalim ng Konstitusyon.

Samantala, iginiit ni Duterte sa kaniyang petisyon na labag sa Konstitusyon ang ginagawa ng House justice committee at wala itong kapangyarihang magsagawa ng paglilitis. Ayon naman sa ilang mambabatas, nakabatay umano ang petisyon sa maling interpretasyon ng mga batas at umiiral na jurisprudence.