Tuguegarao City- Nadagdagan pa ng walo ang naitalang bilang ng mga nakarekober sa virus na dulot ng COVID-19 sa lambak ng Cagayan.

Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH) Region 2, sumampa na sa 33 ang bilang ng mga gumaling mula sa nakakahawang sakit.

Kaugnay nito, nasa 26 na mga active cases pa ang nakaadmit sa iba’t ibang pagamutan, 17 ang clinically recovered, isa ang bagong naitalang kaso habang nananatiling isa lamang ang nasawi dahil sa sakit.

Kabilang sa walong naidagdag sa listahan ng nakarekober ay si Patient 35 na mula Echague na nagnegatibo sa virus sa kanyang pang-apat na swab test, Patient41 mula Echague, Patient 48 mula Santiago City at Patient 72 na mula naman sa Quezon, Isabela.

Dagdag pa rito ay nagnegatibo na rin sa virus si Patient 58, 59 at Patient 61 na pawang mula sa bayan ng Baggao at si Patient 73 mula sa bayan ng Lasam.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabuuan ay nakapagtala na ng 78 na mga kaso ng COVID-19 ang tanggapan ng DOH Region 2.

Pinakahuli sa mga nagpositibo sa sakit ay si CV78 na 35 anyos na lalaking OFW mula South America at tubong Cabatuan, Isabela.

Samantala, nananatili pa ring mga LSIs at Ofws ang naitatalang nagpopositibo sa virus sa lambak ng Cagayan.