Inaasahang maibibigay na sa mga magsasaka ang walong Solar Pump Irrigation Project o SPIP sa bayan ng Sanchez Mira ngayong buwan ng Abril ayon sa National Irrigation Administration o NIA Cagayan -Batanes Area.
Sa panayam kay Engr. Geffrey Catulin, Division Manager ng NIA Cagayan -Batanes Irrigation Management Office, nasa 91% nang kompleto ang nasabing proyekto kung saan sakop nito ang nasa 80 ektarya ng palay ng nasa 135 magsasaka sa naturang bayan.
Ang walong SPIP na ito ay matatagpuan sa mga Brgy ng Masisit, Dacal, Dagueray, Marzan, Callungan, Nanguluan, San Jose-Bacsay at Centro 1.
Nagkakahalaga ito ng mahigit P45M kung saan maaring sa katapusan ng Abril ay mapapakinabangan na ito ng mga magsasaka lalo at sila ang mga umaasa lamang sa buhos ng ulan para sa kanilang mga pananim.
Magiging isahan na lamang ang turn over sa mga proyektong ito sa pamamagitan na rin ng koordinasyon sa LGU ng Sanchez Mira, Cagayan.
Samantala, natapos naman na ang proyekto sa bayan ng Sta Praxedes at ito ay ang San Roque Communal Irrigation System.
Nagkakahalaga ng mahigit P9M ang inilaang pondo rito na mapapakinabangan ng 12 magsasaka para sa 10 ektarya ng kanilang pananim na palay.
Dito ay isinagawa ang diversion works o ang kontruksyon ng intake structure para sa tuloy tuloy na daloy ng tubig.
Inaasahan naman na sa ikalawa o ikatlong linggo ng Abril ang turn over nito sa mga magsasaka.
Sa ngayon ay puspusan ang ginagawang proyekto ng NIA dito sa probinsiya kasabay ng pagpasok ng summer season para matulungan pa lalo ang mga magsasaka.