Bangkay na at walang saplot nang natagpuan sa isang bakanteng lote sa Novaliches, Quezon City ang walong taong gulang na babae na unang naiulat na nawawala.

Ang suspek, 13-anyos na kapitbahay ng biktima na nakuha ng CCTV camera na huling kasama ng bata.

Iniulat ng mga magulang ng bata na nawawala ang kanilang anak noong Sabado.

Nitong Linggo ng hapon, natagpuan ang walang saplot na bangkay ng biktima sa isang bakanteng lote sa Barangay Sta Lucia.

Nang suriin ng mga awtoridad ang CCTV camera sa lugar, nakita na tinawag ng suspek ang biktima at pinasunod sa kaniya hanggang sa makarating sila sa bakanteng lote kung saan nakita ang katawan nito.

-- ADVERTISEMENT --

Isang patalim din ang nakita sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Sinabi ni Police Leiutenant Colonel Geronimo Dimayuga Jr., Fairview Police Station Commander, inaya niya ang bata sa bakanteng lote na parang ipapakita na may iba pang mga bote doon.

Dagdag pa ni Dimayuga, sinabi umano ng suspek na inaya niya sa dulo ng compound ang biktima.

Sinabi ni Dimayuga na nag-usap ang dalawa, at hindi pumayag ang bata sa kung ano ang kanilang gagawin hanggang sa nasakal ng lalaki ang bata.

Ayon kay Dimayuga, may palatandaan na nanlaban ang bata.

Inimbitahan ang binatilyo sa barangay kasama ang tiyahin nito, at sinabi umano ng suspek na sinakal niya ang biktima, at nang mawalan ng malay ang bata ay ginawa na umano niya ang panghahalay.

Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima, habang ililipat ang suspek sa pangangalaga ng Youth Homes, at mahaharap sa reklamong murder.

Aalamin din ng mga awtoridad kung may iba pang kasama ang suspek nang gawin ang krimen.