Naaresto ng mga awtoridad sa Cagayan ang walong wanted persons sa iba’t ibang lugar sa lalawigan kahapon.
Unang naaresto ang tinaguariang number 2 most wanter person na si alyas Jayson, 39, construction worker, residente ng Sampaguita, Solana.
Siya ay naaresto sa Brgy. Caritan Centro, Tuguegarao City, dahil sa kasong statutory rape na walang inirekomendang piyansa at kasong paglabag sa RA 7610 o Child Abuse na may piyansa na P180,000.
Sumunod na nadakip ang most wanted person na si alyas Potpot, 45, isang motorpool crew, residente ng Brgy. Cabuluan East, Ballesteros.
Siya ay naaresto sa Lower Bicol, Payatas B, Quezon City, dahil sa kasong frustrated murder na may piyansa na P200,000.
Nadakip din ang dalawang miyembro umano ng New People’s Army dahil sa kasong robbery with arson sa bayan ng Gattaran na walang inirekomendang piyansa.
Matagumpay din ang pagsisilbi ng warrant of arrest ng PNP Claveria laban kay alyas Lance, 29, magsasaka dahil sa kasong Act of Lasciviousness na may piyansang P36,000.
Naaresto din sa nasabing bayan si alyas Moymoy, 24, na nakakulong sa custodial facility ng PNP Claveria, dahil sa illegal possession of firearms na may inirekomenda na P80,000 na piyansa.
Kasong paglabag sa Anti-Carnapping Act ang sinilbihan ng warrant of arrest ng mga awtoridad na isang alyas Marlon, 25, residente ng Centro East, Ballesteros, na nakakulong ngayon sa Bureau of Jail Management and Penology, National Capital Region, Manila City Jail, Old Bilibid Compound, Quezon Boulevard, Manila.
Hindi rin nakaligtas sa mahabang kamay ng batas ang isang alyas Lito, 59, magsasaka mula sa Baggao dahil sa kasong estafa na may piyansa na P10,000.