Patay ang number 6 most wanted person sa lalawigan ng Quirino, matapos na makipagbarilan umano sa mga awtoridad.

Ayon sa Police Regional Office 2, nagkaroon ng engkwentro kahapon ng umaga sa Barangay San Pugo, Nagtipunan, Quirino sa pagitan ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at sa suspek na kinilalang si alyas Puti, habang ipinapatupad ng mga operatiba mula sa PNP Nagtipunan at Quirino at iba pang PNP units ang warrant of arrest laban sa suspek.

Bigla umanong nagpaputok ng baril ang suspek habang papalapit ang mga pulis.

Dahil dito, napilitan na rin ang mga operatiba na gumanti ng putok na nagresulta ng palitan ng putok, kung saan tinamaan ang suspek na dahilan ng kanyang pagkamatay.

Ang suspek ay 55-anyos, may asawa, residente ng Alfonso, Castañeda, Nueva Vizcaya.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa record, dati nang nahatulan ang suspek sa kasong homicide noong November 19, 2010 at nakalaya sa pamamagitan ng parole.

Noong Disyembre 17, 2024, apat na magkakahiwalay na warrants of arrest para sa kasong rape ang inilabas laban sa suspek ng Regional Trial Court, Branch 38, Maddela-Nagtipunan, Quirino.

Nakuha sa suspek ang isang calibre .45 na baril na walang serial number na may magazine; tatlong basyo ng bala; apat na bala; mahigit P30,000 cash; isang handheld radio, granada na nakalagay sa isang backpack at motorsiklo na walang plaka.

Kasunod nito ay dinala ang mga labi ng suspek sa Rural Health Unit ng Nagtipunan, Quirino at isinailalim sa postmortem examination at paraffin test.