Naglabas ang Commission on Elections (COMELEC) ng resolution na nagpapahintulot sa law enforcement na arestohin ang vote buyers at sellers kahit walang warrant kung sila ay naaktohan.

Nakasaad sa Resolution No. 11104 ang pagpapalawak sa authority ng “Kontra-Bigay” Committee ng Comelec sa pag-monitor sa vote buying at selling sa Eleksyon 2025.

Pinapayagan ang isang law enforcement officer na magsagawa ng warrantless arrest kung may nakita sa akto o tangka na gumawa ng election offenses, at agad na dadalhin sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.

Habang ang mga bagay na ginamit sa vote buying o selling, tulad ng pera o anomang bagay na may halaga, sample ballots at iba pang campaign materials, ay ilalagay din sa kustodiya ng pulis.

Samantala, sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na mano-mano ang ginagawa nilang beripikasyon sa mga naimprenta nang mga balota na umaabot na sa nine million.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Garcia na ikinokonsidera nila na kumuha ng mas malaking espasyo sa headquarters ng National Irrigation Administration at Amoranto Sports Complex para sa beripikasyon ng mga balota.

Idinagdag pa ni Garcia na hiniling na rin nila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga ng bagong commissioners base sa kasalukuyang roster of officials sa Comelec kasunod ng pagreretiro nina Commissioners Soccorro Inting at Marlon Casquejo.