
Bumaba sa kritikal na antas ang water level ng Angat Dam sa Bulacan matapos umabot sa mahigit 152 metro above sea level, mas mababa sa minimum operating level na 156 metro, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Dahil sa patuloy na pagbaba ng tubig, natuyo na ang ilang bahagi ng reservoir.
Ayon sa PAGASA, kinakailangan ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa watershed upang muling tumaas ang lebel ng tubig. Nakipagpulong naman ang lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), National Water Resources Board (NWRB), National Irrigation Administration (NIA), at Local Water Utilities Administration (LWUA) para talakayin ang pangmatagalang solusyon sa lumiliit na suplay ng tubig.
Nagbabala ang mga awtoridad na maaari pang bumaba sa 149 metro ang water level ng Angat Dam pagsapit ng katapusan ng linggo kung hindi bubuti ang kondisyon.









