
Tumaas ang water level sa ilang dam dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Habagat, ayon sa PAGASA.
Ayon kay PAGASA Hydrologist Richard Orendain, nasa 79.70 meters na ang lebel ng La Mesa Dam sa Quezon City alas-5 ng umaga, malapit sa spilling level nitong 80.15 meters. Posibleng umabot ito sa spilling level ngayong gabi o madaling araw bukas kung magpapatuloy ang malakas na pag-ulan sa watershed.
Bahagya namang bumaba ang lebel ng Tullahan River matapos nitong halos umabot sa critical level nitong Sabado, ngunit maaari itong muling umapaw kung magpapatuloy ang pag-ulan at sakaling mag-overflow ang La Mesa Dam.
Samantala, nasa 161.12 meters ang water level ng Angat Dam, na tumaas ng 2.23 meters ngunit nananatiling malayo sa spilling level na 210 meters.
Walong gate naman ang binuksan sa Ambuklao Dam sa Benguet at anim sa Binga Dam, habang nananatiling mababa ang lebel ng San Roque Dam sa Pangasinan sa 239.72 meters.
Inaasahang magpapatuloy ang pag-ulan sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon at Visayas dahil sa Habagat.










