Kinumpirma ng Senado na na-deface o napalitan ng hindi awtorisadong nilalaman ang kanilang opisyal na website.

Sa pahayag ng Senado, agad umanong nagsagawa ng security protocols ang kanilang technical team upang makontrol ang insidente at matukoy ang lawak ng pag-atake. Nagpatupad din sila ng karagdagang seguridad upang maiwasan ang kaparehong insidente sa hinaharap.

Ayon sa paunang imbestigasyon, walang sensitibo o kumpidensyal na impormasyon ang nakompromiso dahil ang laman ng website ay pawang mga pampublikong dokumento at impormasyon lamang.

Samantala, inako ng grupong Nullsec Philippines ang responsibilidad sa pag-deface ng website. Nanawagan ang grupo para sa higit na transparency at pananagutan sa pamahalaan at nagbabala na patuloy nilang binabantayan ang Senado.

Pansamantala namang isinailalim sa maintenance ang website ng Senado habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Nananatili ring mahigpit ang seguridad sa Senado, kung saan ipinatutupad ang work-from-home arrangement para sa mga empleyado mula Hunyo 10 hanggang 11 kasunod ng mga naiulat na banta sa seguridad.