Umalingawngaw ang sigawan ng kagalakan sa St. Peter’s Square sa Vatican nang sumiklab ang puting usok mula sa tsimenea ng Sistine Chapel—isang malinaw na senyales na may bagong Santo Papa na ang Simbahang Katolika.

Eksaktong alas-12:08 ng madaling-araw sa Maynila (Mayo 8 sa Roma) nang pumailanlang ang usok na matagal nang hinihintay ng daan-daang milyong Katoliko sa buong mundo.

Ang pag-angat ng usok ay nangangahulugang may isa nang kandidato ang nakakuha ng hindi bababa sa 89 boto mula sa 133 kardinal na lumahok sa conclave para pumili ng kahalili ni Pope Francis, na pumanaw noong Abril 21.

Inaasahan ngayong araw ang opisyal na anunsyo mula sa loggia ng St. Peter’s Basilica, kung saan ihahayag ng isang mataas na kardinal ang tradisyunal na katagang “Habemus Papam!”—na nangangahulugang “We have a pope!”

Kasunod nito, ipapakilala sa publiko ang kanyang pangalan sa Latin at ang bagong pangalang kanyang pinili.

-- ADVERTISEMENT --

Mula rin sa parehong loggia, magbibigay ng kanyang unang basbas ang bagong halal na Santo Papa, sa gitna ng isang masiglang dagat ng mga mananampalataya mula sa iba’t ibang panig ng mundo.