
Binasag na ni dating congressman Elizady Co ang kanyang pananahimik kaugnay sa flood control scandal at sinabi niyang kinasangkapan lamang siya o ginamit siyang scapegoat.
Sinabi ni Co na umalis siya ng bansa para sa medical checkup noong Hulyo at plano na bumalik pagkatapos ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Subalit tinawagan siya ni nang noon ay House Speaker Martin Romualdez at sinabihan siya na huwag bumalik, at mapapangalagaan siya, na utos umano ni Pangulong Marcos.
Ayon sa kanya, naniwala siya kay Romualdez, kaya hindi umano siya bumalik ng bansa, at nanahimik sa nasabing usapin.
Sinabi niya na ibig sabihin pala umano ng aalagaan siya ay gagamitin siyang panakip-butas sa kanilang kampanya laban sa korapsyon.
Binigyang-diin niya na ginamit siyang kasangkapan sa kanila umanong kasinungalingan.
Dahil dito, sinabi niya na panahon na para magsalita siya at ilalahad niya ang katotohanan, na suportado ng mga resibo, ebidensiya at may pangalan.
Sinabi ni Co na noong simula ng bicameral conference process noong 2024, sinabi umano sa kanya ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na nakipagkita siya kay Marcos at inutusan umano si Co na magsingit ng nasa P100 billion na halaga ng proyekto sa budget.
Ayon sa kanya, bineripika niya ang sinasabing instruction kay Undersecretary Adrian Bersamin.
Pagkatapos nito, ay tinawagan umano niya si Romualdez, at sinabi ang instructions ng Pangulo na magsingit ng P100 billion projects, kung saan ang sagot sa kanya ni Romualdez na kung ano ang gusto ng Pangulo, ay makukuha niya.
Dahil dito, sinabi ni Co na nagtataka siya kung bakit sinasabi ni Marcos na hindi niya makilala ang budget, samantalang lahat na ibinabawas at idinadagdag sa mga ahensiya ng gobyerno ay humihingi umano sa kanya ng pag-apruba si Pangandaman.










