
Kinumpirma ng Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na ang dating kongresista na si Zaldy Co ay naghain ng asylum sa France.
Ayon sa opisyal ng Malacañang, base ito sa impormasyon mula sa Department of Foreign Affairs kung saan sinasabing nasa ilalim na ng hurisdiksyon ng French authorities si Co matapos umalis sa kustodiya ng Czech Republic.
Nauna nang sinabi ni Ferdinand Marcos Jr. na naharang si Co sa Europe dahil sa problema sa dokumento at nasa kustodiya ng Czech authorities. Pero kalaunan, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na wala na ito sa kustodiya ng Czech Republic.
Ayon sa pamahalaan, patuloy ang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa para maibalik si Co sa Pilipinas at harapin ang mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control project sa Oriental Mindoro.
Sinabi rin ng Malacañang na igagalang ng Pilipinas ang batas ng France kaugnay sa aplikasyon ni Co para sa asylum, habang patuloy ang diplomatikong hakbang para mapauwi siya.










