
Hindi pa rin nagpapalabas ng red notice ang International Criminal Police Organization (Interpol) laban kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co matapos ang mahigit isang buwan, ayon sa National Bureau of Investigation.
Una nang sinabi ng NBI na may ipinadala na silang request sa Interpol noong Nob. 23, 2025 na sa kasalukuyan ay inaabangan pa rin.
Sinabi ni NBI spokesperson Atty. Palmer Mallari na nakikipag-ugnayan na sila sa law enforcement counterpart sa Portugal upang beripikahin ang mga impormasyong may kaugnayan sa kinaroroonan at mga rekord ni Co.
Inihahanda na rin ang liham sa Portugal para sa kinakailangang impormasyon kabilang ang mga records ng entry, exit ni Co sa immigration doon.
Aalamin din ng NBI kung naisyuhan ng tinatawag na golden investor’s visa, batay sa inihayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla na meron si Co.
Kasama rin sa bineberipika kung may hawak na Portuguese passport si Co at kung may umiiral na mga rekord sa Portugal kaugnay ng anumang transaksyon sa hotel, restaurant, transportation, paggamit ng credit o debit card.









