
Walang nakitang Portuguese passport si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, ayon sa isang source mula sa embahada ng Portugal sa Prague.
Sinuri umano ang citizens’ registry o ang listahan ng mga mamamayang Portuguese na may citizen card o passport, ngunit walang pangalang “Elizaldy Co” doon.
Gayunpaman, nilinaw ng source na posibleng maging Portuguese citizen ang isang tao kahit wala pa siyang passport.
Halimbawa, maaaring nasa proseso pa lang ng aplikasyon o hindi pa dumarating ang kanyang citizen card, kaya hindi pa lumalabas ang pangalan sa registry.
Tungkol naman sa sinasabing “golden visa” ni Co, sinabi ng source na hindi na nagbibigay ng ganitong visa ang Portugal sa kasalukuyan.
Si Co ay umalis ng Pilipinas noong kalagitnaan ng 2025 para sa medical treatment at hindi na nakabalik.
Nagbitiw na rin siya sa kanyang puwesto sa Kongreso.
Samantala, hinahabol siya ng mga awtoridad dahil sa kaso ng umano’y korapsyon kaugnay ng flood control funds.
Nakipag-ugnayan na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Portugal dahil pinaghihinalaang may Portuguese passport si Co, na maaaring makaapekto sa kanyang paggalaw sa ibang bansa.
Bago siya naaresto sa hangganan ng Germany at Czech Republic, iniulat na naninirahan siya sa isang “sheltered community” sa Lisbon.










