
Inihayag ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky na kung ibebenta ng United States ang 10% ng kanilang mga “Patriot interceptor missile,” masisira ng Ukraine ang lahat ng “ballistic missile” ng Russia.
Sa isang panayam, sinabi ni Zelensky na humihiling siya ngayong taon sa kanilang US partners na ibenta sa kanila ang 5% ng mga missile na mayroon sila sa kanilang mga weapon storage.
Aniya, kung ibebenta sa kanila ang 5% ng interceptor missile, makatatawid sila sa taglamig at makapagliligtas ng mga buhay ng tao.
Subalit kung maibebenta sa kanila ang 10%, wawasakin nila ang lahat ng ballistic missiles ng Russia.
Ang hinihingi ni Zelensky ay mga interceptor missile para sa Patriot air defense system. Ito ay isang uri ng mabisang panangga sa himpapawid. Ginagamit ito para itumba o barilin ang mga dumarating na bomba o missile ng kaaway bago pa man ito bumagsak sa lupa.
Sa kasalukuyan, 1% pa lamang ng kabuuang suplay ang hawak ng Ukraine, kaya patuloy silang nahihirapan laban sa mga pag-atake ng Russia.










