Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi na kailangang magsumite ng anumang karagdagang dokumento ang mga Pilipino upang makinabang sa ‘Zero Billing’ o ‘No Balance Billing’ policy sa 87 pampublikong ospital na pinapatakbo ng ahensya.

Ayon sa DOH, hindi na kailangan ng interview o anumang proseso dahil awtomatikong miyembro ng PhilHealth ang lahat ng Pilipino sa ilalim ng Universal Health Care Law.

Sakop ng polisiya ang mga pasyenteng ma-aadmit sa basic o ward accommodation, kahit wala silang kakayahang magbayad ng kontribusyon sa PhilHealth.

Tiniyak ng DOH na walang ilalabas na bayarin ang mga pasyente sa ilalim ng nasabing programa sa mga DOH-run hospitals.

Patuloy din ang pagsisikap ng PhilHealth na tiyaking pantay-pantay ang access ng lahat ng Pilipino sa serbisyong medikal.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng DOH na layunin ng Zero Billing na bawasan ang pasanin ng mga pasyente at masigurong may serbisyong medikal ang bawat isa, anuman ang estado sa buhay.