
Nagbabala ang grupong BAN Toxics sa mga magulang at mamimili laban sa pagbili ng hindi awtorisadong squishy toys upang maiwasan ang posibleng pagkakalantad ng mga bata sa mapanganib na kemikal.
Kasunod ito ng mga abiso ng Food and Drug Administration (FDA) laban sa pagbili at paggamit ng mga produktong “Squishy Delicious Blue” at “Squishy Delicious Green,” na wala umanong kinakailangang Certificate of Product Notification (CPN).
Ayon sa BAN Toxics, patuloy na ibinebenta ang mga laruang kahawig ng mga siopao sa mga tindahan at online shopping platform. Nagkakahalaga ang mga ito ng ₱80 hanggang ₱200 sa mga pisikal na tindahan at ₱60 hanggang ₱150 online.
Dahil hindi dumaan sa kinakailangang proseso ng FDA ang mga produkto, hindi matiyak ang kalidad at kaligtasan ng mga ito. Kabilang sa mga posibleng panganib ang pagkakalantad sa hindi pinahihintulutang sangkap, pagkasakal dahil sa maliliit o nabaling bahagi, at posibleng epekto sa hormones, reproduksiyon at paglaki ng mga bata.
Binanggit din ng grupo ang mga naunang product recall sa United Kingdom at Estados Unidos sa mga kahalintulad na laruan dahil sa sobrang konsentrasyon ng benzene, isang kemikal na maaaring magdulot ng seryosong panganib sa kalusugan.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 2026-29 ng Department of Environment and Natural Resources, ipinagbabawal ang paggamit ng benzene sa mga laruan at iba pang produktong pambata.
Hinimok ng BAN Toxics ang mga kinauukulang ahensiya na paigtingin ang pagpapatupad ng mga regulasyon at agarang bawiin sa merkado ang mga mapanganib na produkto. Binigyang-diin din nito ang pagsunod sa Republic Act No. 10620 o Toy and Game Safety Labeling Act of 2013, na nag-aatas ng wastong safety labeling at manufacturer’s marking sa mga laruan at larong ibinebenta sa bansa.










