
Huli ang 10 lalaki sa isinagawang operasyon laban sa “paihi” o pilferage ng petroleum products sa Panatao Port sa Claver, Surigao del Norte.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group, nahuli ang mga suspek noong Abril 13, 2026 habang aktong naglilipat ng diesel mula sa isang motorized banca patungo sa isang tanker truck.
Nasamsam sa operasyon ang trailer tanker na may lamang 20 drum ng diesel, pati na ang water pumps, hose, mga bakanteng drum, at ang bangkang ginamit sa iligal na gawain.
Tinatayang aabot sa mahigit P5.6 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang kagamitan at produkto.
Pinaniniwalaang ipapamahagi ang diesel sa iba’t ibang gasolinahan sa Surigao nang walang pahintulot mula sa Department of Energy.
Ayon kay Robert Morico II, labag sa Batas Pambansa Blg. 33 ang pagbebenta at distribusyon ng petroleum products nang walang kaukulang lisensya.
Dagdag ng CIDG, layunin ng operasyon na labanan ang economic sabotage at maprotektahan ang kita ng pamahalaan.










