Kinilala at ginawaran ng insentibo ng Tuguegarao City Government ang 148 tricycle drivers na nagpakita ng katapatan sa kanilang mga pasahero.

Isinagawa ang pagkilala nitong Agosto 12, 2026, sa Tricycle Regulation Unit o TRU.

Ayon sa pamahalaang lungsod, mula Marso hanggang Hunyo ngayong taon, isinuko ng mga nasabing driver sa TRU at Public Safety and Security Office o PSSO ang mga gamit na naiwan ng kanilang mga pasahero.

Kabilang dito ang mga cellphone, pera, mahahalagang dokumento, kagamitan at iba pang personal na gamit.

Sa mensahe ni Executive Assistant Grace Arago, bilang kinatawan ni Tuguegarao City Mayor Maila Rosario Ting-Que, binigyang-diin nito na ang katapatan ng mga tricycle driver ay sumasalamin sa tunay na mukha ng lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Mahalaga rin aniya ang kanilang ambag sa pagpapanatili ng magandang imahe ng Tuguegarao City.

Samantala, pinuri ni TRU Head Dr. Rey Ferrer ang mga tinaguriang “honest tricycle drivers,” lalo na ang ilan sa kanila na ilang ulit nang nakapagsauli ng mga gamit na naiwan ng kanilang mga pasahero.

Hinikayat niya ang mga ito na ipagpatuloy ang pagiging mabuting halimbawa upang mahikayat din ang iba pang tricycle drivers na tularan ang kanilang katapatan.

Bilang pagkilala, tumanggap ang mga driver ng certificate of recognition, cash incentives na mula P300 hanggang P1,500 at t-shirt na may nakasulat na “Honest Tricycle Driver Ako.”

Inaasahan namang magpapatuloy sa mga susunod na buwan ang pagbibigay ng pagkilala sa mga honest tricycle drivers bilang pagpapahalaga sa kanilang katapatan at pagiging huwaran sa kanilang kapwa driver at sa buong komunidad.